Tala at Tula ni Ginoong Cequeña
Naglalakbay ang aking buhay na puno ng pag-asa
Bawat segundo, bawat oras ay sobrang mahalaga
Isang araw may babaeng ipinakilala
Bulong sa isipan.... Sino nga ba siya?
Gabi man o araw nagpapalitan ng diyalogo
Napapangiti sa palitan din ng litrato
Nag-krus ang aming puso buwan ng Pebrero
Di inaasahang marinig matamis niyang "oo"
Anino, paa, likod at buhok niya
Unti-unting ibinahagi sa social media
Mga katoto nagagalak pati kapamilya
Hanggang sa sumapit mukha niya'y nakita
Kanta doon, kain dito... Gala dito, punta doon
Ito ang hilig namin sa unang taon
Puso ay tumatawa sa pangyayaring iyon
Wag na sanang matapos kung may pagkakataon
Nang isang araw aksidente'y naranasan
Bakas ang sugat at dugo sa katawan
Pag-aalaga niya'y di matutumbasan
Taos pusong ko siyang pinasalamatan
Di naiiwasan ang mga tampuhan
Simple, komplikado ang pinagdedebatihan
Ngunit mahinahon na sinusolusyunan
Presensya naming dalawa ang kasagutan
Lungkot na napapawi, lungkot na bumabalik
Mahigpit na yakap maaaring ipalit
Malayo ang distansya kaya nananabik
Isipan at pakiramdam koneksyon na malapit
Dumating ang araw na kami'y dalawang taon
Sabihin na natin walang perpektong relasyon
Relasyon na muntikan nang paghiwalayin ng panahon
Panahon na akala'y mundo ko'y di na makakaahon.
***
Ikatlong taon bumalik ang sigla, bumalik ang saya
Ang dating karakter ay lubusang nag-iba
Ipinagpasa-Diyos ang bawat isa
Pag-iisang dibdib ay inaabangan na.
Maraming natutunan, maraming iniwasan
Mga bagay na di dapat pinapatulan
Mabuhay nang simple, ang mga puso'y nakatuon
Pinili ang isa't isa at nagpasalamat sa Panginoon.